Mababanaag sa unang tingin na ang eksibisyong “Sa Lukong ng mga Palad” ay pakikiniig nina Eunice Sanchez at Carlo Gabuco sa labi—sa mga naiwan ng walang-pakundangang paggamit sa mundo. Oo, nakatitig ito sa kakagyatan ng kontemporanyo na harapin, ng personal at kolektibo, ang mga krisis ng kasalukuyan. Ngunit ang higit na taimtim na binabakas nina Sanchez at Gabuco ay ang mga bagay na sinubukang angkinin ng kamay ngunit sadyang naging tubig—sinundan ang lukot ng mga palad, ang ligid ng mga kalyo, hanggang matagpuan ang guwang sa pagitan ng mga daliri. Nililimi ng mga obra nina Sanchez at Gabuco na ang paghahanap sa mga bagay na ito ay maaaring mag-umpisa sa kasukalan ng arkibo.
Kapwa potograpo, ang lagi’t laging nakalatag sa harapan nina Sanchez at Gabuco ay hindi ang kasalatan ng imahe [na malaking suliranin, halimbawa, sa mga aktibista-arkibista ng mga marhinalisadong komunidad] kundi ang umuugong nitong kaliwanagan—ang mga kulay na walang kasing-tingkad, ang laksang larawang nakalulunod. Maaaring sa puntong ito naging mapanghalina ang kalabuan bilang udyok sa paglikha nila sa mga obra. Mula sa mga mukhang paulit-ulit na pinipinta at binubura sa kambas hanggang sa analogong proseso ng pag-iimprenta ng imahe sa di-mawari-waring asul, niyayakap nina Sanchez at Gabuco ang kalabuan. Pagsuko ba ito sa paghahanap sa mga bagay na hindi nasasakop ng kamay? At kung gayon, ay pagsuko rin sa posibilidad ng pagpapatuloy lagpas ng pag-angkin?